Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Bilang 16:29-43 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

29. Kapag ang mga taong ito'y namatay sa sakit o sa karaniwang paraan, nangangahulugang hindi ako ang isinugo ni Yahweh.

30. Ngunit kapag may ginawang di-pangkaraniwan ang Diyos at bumuka ang lupa at sila'y nilulon nang buháy kasama ang lahat ng may kaugnayan sa kanila, at sila'y nalibing nang buháy sa daigdig ng mga patay, nangangahulugang naghimagsik ang mga taong ito kay Yahweh.”

31. Hindi pa halos natatapos sa pagsasalita si Moises ay bumuka na ang lupa,

32. at nilulon nang buháy sina Korah pati ang kanilang mga pamilya at mga ari-arian.

33. Silang lahat ay nalibing nang buháy. Muling nagsara ang lupa at hindi na sila nakita ng mga Israelita.

34. Dahil dito, nagtakbuhan ang mga taong-bayan dahil sa kanilang nasaksihan. “Lumayo tayo rito!” ang sigawan nila. “Baka pati tayo'y lamunin ng lupa.”

35. Pagkatapos nito'y nagpaulan ng apoy si Yahweh at sinunog ang 250 kasamahan ni Korah na nagsunog ng insenso.

36. Sinabi ni Yahweh kay Moises,

37. “Sabihin mo kay Eleazar na anak ni Aaron na kunin ang mga lalagyan ng insenso at ikalat sa paligid ang mga baga. Kailangang gawin ito sapagkat sagrado ang mga lalagyan ng insenso.

38. Naging sagrado ang mga ito nang iharap sa altar ni Yahweh. Kaya't kunin ninyo ang mga lalagyan ng insenso ng mga taong pinatay dahil sa kanilang kasalanan at pitpitin ninyo nang manipis at gawing panakip sa altar. Ang mga iyon ay sagrado sapagkat inihandog na sa akin. Maging babala sana ito sa sambayanang Israel.”

39. Kinuha nga ni Eleazar ang mga lalagyan ng insenso na pawang tanso, ipinapitpit nang manipis, at itinakip sa altar.

40. Ito'y babala sa mga Israelita na ang sinumang hindi pari o hindi kabilang sa angkan ni Aaron ay hindi dapat mangahas magsunog ng insenso sa harapan ni Yahweh. Baka matulad sila kay Korah at sa mga kasamahan nito. Ang lahat ng ito'y ginawa ni Eleazar ayon sa iniutos ni Yahweh kay Moises.

41. Kinabukasan, sinumbatan ng buong bayan sina Moises at Aaron. Sabi nila, “Pinatay ninyo ang bayan ni Yahweh.”

42. At nang sila'y nagkakaisa nang lahat laban kina Moises at Aaron, lumingon sila sa Toldang Tipanan at nakita nilang natatakpan ito ng ulap at nagniningning doon ang kaluwalhatian ni Yahweh.

43. Pumunta sina Moises at Aaron sa harapan ng Toldang Tipanan.