Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Bilang 15:22-39 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

22. “Subalit kung sakaling nakaligtaan ninyong tuparin ang alinman sa utos ni Yahweh na sinabi kay Moises,

23. buhat sa pasimula hanggang sa wakas,

24. ang buong bayan ay maghahandog ng isang toro bilang handog na susunugin kalakip ng handog na pagkaing butil, at isang kambing na lalaki bilang handog ukol sa kasalanan.

25. Ipaghahandog sila ng pari para sa kanilang kasalanan. Kapag nagawa na ito, patatawarin sila sapagkat ito'y pagkakamaling hindi sinasadya, at naghandog na sila para dito.

26. Ang buong Israel at ang mga nakikipamayan sa inyo ay patatawarin sapagkat ito'y pagkakamali nilang lahat.

27. “Kung ang isang tao'y nagkasala nang hindi sinasadya, magdadala siya ng isang babaing kambing na isang taóng gulang bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan.

28. Siya'y ipaghahandog ng pari upang patawarin ni Yahweh.

29. Iisa ang tuntuning susundin tungkol sa hindi sinasadyang pagkakasala ng isang Israelita at ng isang dayuhan.

30. “Ngunit ititiwalag sa sambayanan ang sinumang magkasala nang sinasadya, maging siya'y katutubong Israelita o dayuhang nakikipamayan, sapagkat iyon ay paglapastangan kay Yahweh.

31. Dahil nilabag niya ang kautusan ni Yahweh, siya ang dapat sisihin sa kanyang kamatayan.”

32. Nang sila'y nasa ilang, may nakita silang nangangahoy sa Araw ng Pamamahinga.

33. Iniharap nila ito kina Moises, Aaron at sa buong kapulungan.

34. Ikinulong muna siya habang hindi pa tiyak kung ano ang gagawin sa kanya.

35. Kaya't sinabi ni Yahweh kay Moises, “Dalhin siya sa labas ng kampo at pagbabatuhin ng buong kapulungan hanggang mamatay.”

36. Ganoon nga ang ginawa nila.

37. Sinabi ni Yahweh kay Moises,

38. “Sabihin mo sa mga Israelita na habang panahon silang maglalagay ng palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Susuksukan nila ito ng asul na tali.

39. Gagawin ninyo ito upang maalala ninyo at sundin ang mga kautusan ni Yahweh tuwing makikita ninyo ang mga palawit na iyon. Sa ganoon, masusunod ang salita ni Yahweh at hindi ang inyong sariling nasa at kagustuhan.