Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Bilang 15:15-25 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

15. Isa lamang ang tuntuning susundin ninyo at ng mga dayuhan sa habang panahon. Kung ano kayo sa harapan ni Yahweh ay gayon din ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo.

16. Magkaroon lamang kayo ng iisang Kautusan at tuntuning susundin ng lahat, maging Israelita o dayuhan.”

17. Sinabi pa ni Yahweh kay Moises,

18. “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo,

19. magbubukod kayo ng handog kay Yahweh tuwing kayo'y kakain ng mga pagkain doon.

20. Magbubukod kayo ng tinapay mula sa harinang una ninyong minasa at inyong ihain bilang handog mula sa ani.

21. Ihahandog ninyo kay Yahweh ang unang masa ng harina; ito'y tuntunin sa habang panahon.

22. “Subalit kung sakaling nakaligtaan ninyong tuparin ang alinman sa utos ni Yahweh na sinabi kay Moises,

23. buhat sa pasimula hanggang sa wakas,

24. ang buong bayan ay maghahandog ng isang toro bilang handog na susunugin kalakip ng handog na pagkaing butil, at isang kambing na lalaki bilang handog ukol sa kasalanan.

25. Ipaghahandog sila ng pari para sa kanilang kasalanan. Kapag nagawa na ito, patatawarin sila sapagkat ito'y pagkakamaling hindi sinasadya, at naghandog na sila para dito.