Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Bilang 14:32-41 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

32. Ngunit mamamatay kayo dito sa ilang.

33. Ang mga anak ninyo'y magpapalabuy-laboy rito sa loob ng apatnapung taon, hanggang hindi kayo namamatay lahat. Ito ang kabayaran ng inyong hindi pagsampalataya.

34. Ang apatnapung araw na pinagmanman ninyo sa lupaing iyon ay tutumbasan ko ng apatnapung taon ng pagpapahirap upang madama ninyo ang aking poot sa loob ng panahong iyon.’

35. Akong si Yahweh ang maysabi nito at gagawin ko ito sa masamang bayang ito. Mamamatay sila rito sa ilang.”

36. At ang mga espiya na nagbigay ng masamang ulat na siyang naging dahilan ng kaguluhan sa Israel

37. ay nilipol ni Yahweh sa pamamagitan ng salot.

38. Ngunit hindi namatay si Josue na anak ni Nun at si Caleb na anak ni Jefune.

39. Lahat ng bilin ni Yahweh ay sinabi ni Moises sa mga Israelita, at sila'y nag-iyakan.

40. Kinaumagahan, nagpunta sila sa ibabaw ng burol. Sinabi nila, “Papunta na kami sa lupaing sinasabi ni Yahweh. Tinatanggap naming kami'y nagkasala.”

41. Ngunit sinabi ni Moises, “Bakit ninyo sinusuway si Yahweh? Hindi ba ninyo alam na hindi magtatagumpay ang ginagawa ninyong iyan?