Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Bilang 14:31-45 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

31. Ang makakarating lamang doon ay ang inyong mga anak na sinasabi ninyong mabibihag ng kaaway. Sila ang maninirahan doon.

32. Ngunit mamamatay kayo dito sa ilang.

33. Ang mga anak ninyo'y magpapalabuy-laboy rito sa loob ng apatnapung taon, hanggang hindi kayo namamatay lahat. Ito ang kabayaran ng inyong hindi pagsampalataya.

34. Ang apatnapung araw na pinagmanman ninyo sa lupaing iyon ay tutumbasan ko ng apatnapung taon ng pagpapahirap upang madama ninyo ang aking poot sa loob ng panahong iyon.’

35. Akong si Yahweh ang maysabi nito at gagawin ko ito sa masamang bayang ito. Mamamatay sila rito sa ilang.”

36. At ang mga espiya na nagbigay ng masamang ulat na siyang naging dahilan ng kaguluhan sa Israel

37. ay nilipol ni Yahweh sa pamamagitan ng salot.

38. Ngunit hindi namatay si Josue na anak ni Nun at si Caleb na anak ni Jefune.

39. Lahat ng bilin ni Yahweh ay sinabi ni Moises sa mga Israelita, at sila'y nag-iyakan.

40. Kinaumagahan, nagpunta sila sa ibabaw ng burol. Sinabi nila, “Papunta na kami sa lupaing sinasabi ni Yahweh. Tinatanggap naming kami'y nagkasala.”

41. Ngunit sinabi ni Moises, “Bakit ninyo sinusuway si Yahweh? Hindi ba ninyo alam na hindi magtatagumpay ang ginagawa ninyong iyan?

42. Huwag na kayong tumuloy. Kapag tumuloy kayo, malulupig kayo ng inyong mga kaaway sapagkat hindi kayo sasamahan ni Yahweh.

43. Ang mga Amalekita at Cananeo ay naroon sa pupuntahan ninyo at tiyak na papatayin nila kayo. Hindi ninyo maaasahan ang patnubay ni Yahweh sapagkat siya'y itinakwil na ninyo.”

44. Ngunit nagpatuloy pa rin sila kahit wala sa kanila ang Kaban ng Tipan at hindi nila kasama si Moises.

45. Sinalakay nga sila ng mga Amalekita at mga Cananeo na naninirahan sa kaburulan, tinalo sila ng mga ito at tinugis sila hanggang sa Horma.