Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Bilang 14:21-34 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

21. Ngunit ito ang tandaan mo: hanggang ako'y buháy at nalulukuban ng aking kaluwalhatian ang buong mundo,

22-23. isa man sa mga nakakita ng himalang ginawa ko ay hindi makakapasok sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninuno. Paulit-ulit nila akong sinusubok at hindi nila ako sinusunod.

24. Ngunit si Caleb na aking lingkod ay naiiba sa kanila. Sumunod siya sa akin nang buong katapatan, kaya makakapasok siya sa lupaing iyon, pati ang kanyang angkan.

25. Kaya bukas, magpatuloy kayo sa paglalakbay patungong Dagat na Pula. Lumigid kayo sa ilang sapagkat ang mga Amoreo at Cananeo ay nasa kapatagan.”

26. Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron,

27. “Hanggang ngayo'y patuloy pa rin ang mga Israelita sa pagrereklamo laban sa akin. Kailan pa ba sila tatahimik?

28. Sabihin ninyo sa kanila na ito ang ipinapasabi ko: ‘Habang buháy akong si Yahweh, gagawin ko sa inyo ang narinig kong gusto ninyong mangyari.

29. Mamamatay kayo dito sa ilang. Sa mga kabilang sa sensus, samakatuwid ay iyong mula sa dalawampung taon pataas,

30. isa man ay walang makakarating sa lupaing ipinangako ko, maliban kina Caleb na anak ni Jefune at Josue na anak ni Nun.

31. Ang makakarating lamang doon ay ang inyong mga anak na sinasabi ninyong mabibihag ng kaaway. Sila ang maninirahan doon.

32. Ngunit mamamatay kayo dito sa ilang.

33. Ang mga anak ninyo'y magpapalabuy-laboy rito sa loob ng apatnapung taon, hanggang hindi kayo namamatay lahat. Ito ang kabayaran ng inyong hindi pagsampalataya.

34. Ang apatnapung araw na pinagmanman ninyo sa lupaing iyon ay tutumbasan ko ng apatnapung taon ng pagpapahirap upang madama ninyo ang aking poot sa loob ng panahong iyon.’