Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Bilang 10:2-16 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

2. “Magpagawa ka ng dalawang trumpetang yari sa pinitpit na pilak. Gagamitin mo ang mga ito sa pagtawag ng pagpupulong ng taong-bayan o kung kailangan nang magpatuloy sa paglalakbay ang buong Israel.

3. Kapag hinipan nang sabay, ang buong Israel ay magtitipun-tipon sa harap ng Toldang Tipanan.

4. Kapag isa ang hinipan, ang mga pinuno ng bawat angkan ang haharap sa iyo.

5. Pag-ihip ng unang hudyat, lalakad ang mga liping nagkampo sa gawing silangan.

6. Sa ikalawang ihip, lalakad naman ang mga nakahimpil sa gawing timog.

7. Kapag dapat tipunin ang kapulungan, hihipan mo nang matagal ang trumpeta.

8. Ang iihip ng trumpeta ay ang mga anak ni Aaron. Susundin ninyo ang tuntuning ito habang panahon.

9. Kapag nilulusob kayo ng inyong kaaway, hipan ninyo ang trumpeta bilang hudyat upang tulungan at iligtas kayo ng Diyos ninyong si Yahweh.

10. Sa inyong mga pagdiriwang, tulad ng Pista ng Bagong Buwan at iba pang kapistahan, hihipan din ninyo ang trumpeta habang inihahain ang handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Sa gayon, aalalahanin ko kayo at tutulungan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”

11. Nang ika-20 araw ng ikalawang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sila sa Egipto, ang ulap ay pumaitaas mula sa ibabaw ng tabernakulo.

12. Dahil dito, nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita hanggang ang ulap ay tumigil sa ilang ng Paran.

13. Ito ang una nilang paglalakbay mula nang ibigay ni Yahweh kay Moises ang mga tuntunin ukol dito.

14. Nauuna ang pangkat sa ilalim ng watawat ni Juda ayon sa kani-kanilang lipi at sa pamumuno ni Naason na anak ni Aminadab.

15. Si Nathanael naman na anak ni Zuar ang pinuno ng lipi ni Isacar

16. at si Eliab na anak ni Helon ang nangunguna sa lipi ni Zebulun.