Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Bilang 10:1-8 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Sinabi ni Yahweh kay Moises,

2. “Magpagawa ka ng dalawang trumpetang yari sa pinitpit na pilak. Gagamitin mo ang mga ito sa pagtawag ng pagpupulong ng taong-bayan o kung kailangan nang magpatuloy sa paglalakbay ang buong Israel.

3. Kapag hinipan nang sabay, ang buong Israel ay magtitipun-tipon sa harap ng Toldang Tipanan.

4. Kapag isa ang hinipan, ang mga pinuno ng bawat angkan ang haharap sa iyo.

5. Pag-ihip ng unang hudyat, lalakad ang mga liping nagkampo sa gawing silangan.

6. Sa ikalawang ihip, lalakad naman ang mga nakahimpil sa gawing timog.

7. Kapag dapat tipunin ang kapulungan, hihipan mo nang matagal ang trumpeta.

8. Ang iihip ng trumpeta ay ang mga anak ni Aaron. Susundin ninyo ang tuntuning ito habang panahon.