Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Awit 89:32-50 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

32. kung gayon, daranas sila ng parusa dahil kasamaan ang ginawa nila,sila'y hahampasin sa ginawang sala.

33. Ngunit ang pangako't pag-ibig kay David,ay di magbabago, hindi mapapatid.

34. Ang tipan sa kanya'y di ko sisirain,ni isang pangako'y di ko babawiin.

35. “Sa aking kabanalan, ipinangako ko,kay David ay hindi magsisinungaling.

36. Lahi't trono niya'y hindi magwawakas,hanggang mayro'ng araw tayong sumisikat;

37. katulad ng buwan na hindi lilipas,matatag na tanda doon sa itaas.” (Selah)

38. Subalit ngayon, siyang iyong hirang,ay itinakwil mo at kinagalitan;

39. binawi mo pati yaong iyong tipan,ang kanyang korona ay iyong dinumhan.

40. Ang tanggulan niya ay iyong winasak,mga muog niya'y iyong ibinagsak.

41. Lahat ng magdaa'y nagsasamantala,ang ari-arian niya'y kinukuha;bansa sa paligid, pawang nagtatawa.

42. Iyong itinaas ang kanyang kaaway,tuwang-tuwa sila't pinapagtagumpay.

43. Ang sandata niya'y nawalan ng saysay,binigo mo siya sa kanyang paglaban.

44. Yaong kanyang trono at ang setrong hawak,inalis sa kanya't iyong ibinagsak.

45. Sa iyong ginawa'y nagmukhang matanda,sa kanyang sinapit siya'y napahiya. (Selah)

46. Hanggang kailan pa ba, mukha'y itatago?Wala na bang wakas, tindi ng galit mo?

47. Alam mo, O Yahweh, ang buhay ng tao ay maikli lamang sa balat ng mundo;papanaw na lahat silang nilikha mo.

48. Sino ba'ng may buhay na hindi papanaw?Paano iiwas sa kanyang libingan tayong mga taong ngayo'y nabubuhay? (Selah)

49. Nasaan ang alab ng dating pag-ibig at tapat na sumpang ginawa kay David?Nasaan, O Diyos? Iyong ipabatid.

50. Iyong nalalaman ang mga pasakit ng abâ mong lingkod, na pawang tiniis;ang mga pagkutya na kanyang sinapit sa kamay ng taong pawang malulupit.