Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Awit 80:1-12 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Pastol ng Israel,ikaw na nanguna't umakay kay Jose, na tulad sa kawan,ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.

2. Ang iyong pag-ibig iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!

3. Ibalik mo kami, O Diyos,at ipadama mo ang iyong pagmamahal, iligtas mo kami, at sa iyong sinag kami ay tanglawan.

4. Yahweh, Makapangyarihang Diyos, hanggang kailan ba patatagalin mo ang galit sa amin?Hanggang kailan pa diringgin mo kami sa aming dalangin?

5. Masdan mo nga kami sa tuwi-tuwina'y tinapay ng luha yaong kinakain,luha ng hinagpis, ang inihanda mo na aming inumin.

6. Ang mga bansa sa paligid, hinayaan mong kami ay kutyain,iyong pinayagang pagtawanan kami ng kaaway namin.

7. Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!

8. Mula sa Egipto ikaw ay naglabas ng puno ng ubas, saka itinanimsa lupang dayuhan, matapos ang tao roo'y palayasin.

9. Ngunit nilinis mo muna't pinagyaman ang piniling lugar na pagtataniman,doon ay nag-ugat, ang buong lupain ay nalaganapan.

10. Nagsanga ang puno, lumagong mabuti at ang kabunduka'y kanyang naliliman,mga punong sedar, naliliman pati ng sangang malabay.

11. Hanggang sa ibayo, sa ibayong dagat, ang sangang malabay nito'y nakaabot,pati mga ugat humabang mabuti't umabot sa Ilog.

12. Bakit mo sinira? Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan,pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.