Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Awit 72:10-18 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

10. Mga haring nasa pulo at naroon sa Espanya, maghahandog ng kaloob upang parangalan siya.Pati rin ang mga hari ng Arabia at Etiopia, may mga kaloob ding ibibigay sa kanya.

11. Ang lahat ng mga hari, gagalang sa harap niya,mga bansa'y magpupuri't maglilingkod sa tuwina.

12. Kanyang inililigtas ang mga dukhang tumatawag,lalo na ang nalimutan, mga taong mahihirap;

13. sa ganitong mga tao siya'y lubhang nahahabag;sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.

14. Inaagaw niya sila sa kamay ng mararahas,sa kanya ang buhay nila'y mahalagang hindi hamak.

15. Pagpalain itong hari! Siya nawa ay mabuhay!At magbuhat sa Arabia'y magtamo ng gintong-yaman;sa tuwina siya nawa'y idalangin nitong bayan,kalingain nawa ng Diyos, pagpalain habang buhay.

16. Sa lupai'y sumagana nawang lagi ang pagkain;ang lahat ng kaburulan ay mapuno ng pananimat matulad sa Lebanon na mauunlad ang lupain.At ang kanyang mga lunsod, dumami ang mamamayan,sindami ng mga damong tumubo sa kaparangan.

17. Nawa ang kanyang pangalan ay huwag nang malimutan,manatiling bantog hangga't sumisikat itong araw.Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa, at sa Diyos, silang lahat dumalanging: “Harinawa,pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.”

18. Si Yahweh, Diyos ng Israel, purihin ng taong madla;ang kahanga-hangang bagay tanging siya ang may gawa.