Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Awit 68:5-21 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

5. Ang Diyos na naroroon sa tahanan niyang templo,tumitingin sa ulila't sanggalang ng mga balo.

6. May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot,ang bilanggo'y hinahango upang sila ay malugod;samantalang ang tirahan ng suwail ay malungkot.

7. Diyos, nang ang iyong mga lingkod samahan sa paglalakbay,sa pagbagtas sa malawak na lupaing mga ilang, (Selah)

8. ang lupa ay nayayanig, bumubuhos pati ulan; ganito ang nangyayari kapag ika'y dumaratal.Maging ang bundok ng Sinai, nayanig din sa pagdating,nang dumating na si Yahweh, itong Diyos ng Israel.

9. Dahil sa iyo, yaong ulang masagana ay pumatak,lupain mong natuyo na'y nanariwa at umunlad.

10. At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod,ang mahirap nilang buhay sa pagpapala'y pinuspos.

11. May utos na pinalabas na si Yahweh ang nagbigay,ang nagdala ng balita ay babaing karamihan;

12. ang balitang sinasabi: “Nang dahil sa takot, mga hari't hukbo nila'y tumatakas sa labanan!”Kaya ang mga babae na ang nagparte ng samsam.

13. Para silang kalapati, nararamtan noong pilak,parang gintong kumikinang kapag gumalaw yaong pakpak;(Bakit mayro'ng sa kulungan ng tupa napasadlak?)

14. Mga haring nagsitakas pagsapit ng Bundok Zalmon,ang yelo ay pinapatak ni Yahweh sa dakong iyon.

15. O kay laki niyong bundok, yaong bundok nitong Bashan;ito'y bundok na kay raming taluktok na tinataglay.

16. Sa taluktok mong mataas, bakit kinukutya wariyaong bundok na maliit na ang Diyos ang pumili?Doon siya mananahan upang doon mamalagi.

17. Ang kasama'y libu-libong matitibay na sasakyan,galing Sinai, si Yahweh ay darating sa dakong banal.

18. At sa dakong matataas doon siya nagpupunta,umaahon siya roon, mga bihag ang kasama;kaloob mang nagbubuhat sa tauhang nag-aalsa,tinatanggap ng Panginoong Yahweh na doon na tumitira.

19. Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas,dinadala araw-araw, ang pasanin nating hawak. (Selah)

20. Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas,si Yahweh ang Panginoon, Panginoon nating lahat!Sa bingit ng kamataya'y hinahango tayo agad.

21. Mga ulo ng kaaway ay babasagin ng Diyos,kapag sila ay nagpilit sa kanilang gawang buktot.