Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Awit 44:15-26 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

15. At lagi kong alaala mapait na karanasan,aking puso ay nanlumo sa malaking kahihiyan.

16. Ang malaking kahihiyang ngayo'y aking tinataglay,ay bunga ng pang-iinis at pagkutya ng kaaway.

17. Sa ganitong karanasan, kami'y lubhang nagtataka;ikaw nama'y nakaukit sa isipa't alaala,at ang tipan mo sa ami'y sinusunod sa tuwina.

18. Hindi namin sinusuway yaong iyong mga batas,hanggang ngayo'y tapat kami, hindi kami lumalabag.

19. Gayon pa ma'y iniwan mo, kami'y iyong binayaan,sa gitna ng mga ganid at pusikit na karimlan.

20. Kung pagsamba sa ating Diyos kusa naming itinigil,at sa ibang mga diyos doon kami dumalangin,

21. ito'y iyong mababatid pagkat sa iyo'y walang lihim,sa iyo ay walang lingid na isipan at damdamin.

22. Dahil po sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay.

23. Gumising ka sana, Yahweh! Sa paghimlay ay gumising.Bumangon ka! Kailanma'y 'wag po kaming itatakwil.

24. Kami'y huwag pagkublihan, pagtaguan ay huwag din,ang pangamba nami't hirap, huwag mo pong lilimutin.

25. Halos kami ay madurog nang bumagsak na sa lupa;sa bunton ng alikabok ay lupig na nabulagta.

26. Bumangon ka at tumulong, kami ngayon ay iligtas,dahilan sa pag-ibig mong kailanma'y di kukupas!