Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Awit 37:17-31 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

17. Lakas ng masama ay aalisin,ngunit ang matuwid ay kakalingain.

18. Iingatan ni Yahweh ang taong masunurin,ang lupang minana'y di na babawiin.

19. Kahit na sumapit ang paghihikahos,di daranasin ang pagdarahop.

20. Ngunit ang masama'y pawang mamamatay;kalaban ni Yahweh, tiyak mapaparam, tulad ng bulaklak at mga halaman;para silang usok na paiilanlang.

21. Anumang hiramin ng taong masama, di na ibabalik sa kanyang kapwa,ngunit ang matuwid na puso'y dakila, ang palad ay bukás at may pang-unawa.

22. Lahat ng mga taong pinagpala ni Yahweh, lupang masagana, kanilang bahagi;ngunit ang sinuman na kanyang sumpain, sa lupaing iyon ay palalayasin.

23. Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad, ay itong si Yahweh, kung nais maligtas;sa gawain niya, ang Diyos nagagalak.

24. Kahit na mabuwal, siya ay babangon,pagkat si Yahweh, sa kanya'y tutulong.

25. Mula pagkabata't ngayong tumanda na,sa tanang buhay ko'y walang nabalita na sa taong tapat, ang Diyos nagpabaya;o ang anak niya'y naging hampas-lupa.

26. Sa lahat ng oras, bukás pa ang palad sa pagkakaloob sa mga mahirap;pagpapala'y laan ng kanilang mga anak.

27. Masama'y itakwil, mabuti ang gawin,upang manahan kang lagi sa lupain.

28. Ang lahat ng taong wasto ang gawain,ay mahal ni Yahweh, hindi itatakwil.Sila'y iingatan magpakailanman,ngunit ang masama ay ihihiwalay.

29. Ang mga matuwid, ligtas na titira,at di na aalis sa lupang pamana.

30. Sa bibig ng matuwid namumutawi'y karunungan;at sa labi nila'y pawang katarungan.

31. Ang utos ng Diyos ang laman ng puso,sa utos na ito'y hindi lumalayo.