Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Awit 119:91-108 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

91. Hanggang ngayon ay matatag, pagkat ikaw ang nag-utos,alipin mo silang lahat at sa iyo'y naglilingkod.

92. Kung ang iyong kautusa'y di bukal ng aking galak,namatay na sana ako sa dinanas na paghihirap.

93. Ang utos mo'y susundin ko, di ito tatalikuran,pagkat dahil sa utos mo, ako ngayo'y nabubuhay.

94. Ang lingkod mo'y iyong-iyo, kaya ako ay iligtas,ang pagsunod sa utos mo ay siya kong sinisikap.

95. Nag-aabang ang masama, upang ako ay mapatay,ngunit ako'y magbubulay sa bigay mong kautusan.

96. Nabatid kong sa daigdig, walang ganap na anuman,ngunit ang iyong mga utos walang hanggan yaong saklaw.(Mem)

97. O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig,araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip.

98. Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan,kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway.

99. Sa lahat kong mga guro, ang unawa ko ay higit,pagkat ang aral mo't turo ang laman ng aking isip.

100. Ang taglay kong karununga'y higit pa sa matatanda,pagkat ang iyong mga utos ay hindi ko sinisira.

101. Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama,ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita.

102. Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin,pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin.

103. O kay tamis na namnamin ang utos mong ibinigay,matamis pa kaysa pulot lasa nitong tinataglay.

104. Sa bigay mong mga utos, natamo ko'y karunungan,kaya ako'y namumuhi sa ugaling mahahalay.(Nun)

105. Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay,sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.

106. Taimtim ang pangako kong ang utos mo ay susundin,tutupdin ko ang tuntuning iniaral mo sa akin.

107. Labis-labis, O Yahweh, ang hirap kong tinataglay,sang-ayon sa pangako mo, pasiglahin yaring buhay.

108. Ang handog kong pasalamat, Yahweh, sana ay tanggapin,yaong mga tuntunin mo ay ituro mo sa akin.