Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Awit 119:66-79 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

66. Ako'y bigyan mo ng dunong at ng tunay na kaalaman,yamang ako'y nagtiwala sa utos mong ibinigay.

67. Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot,nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod;

68. kay buti mo, O Yahweh! Kay ganda ng iyong loob;sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos.

69. Ang gawain nitong hambog sadyang ako ay siraan,ngunit buong puso ko ring sinusunod ang iyong aral.

70. Ang ganoong mga tao'y sadyang kapos ng unawa,ngunit sa pagsunod sa utos mo, ako'y natutuwa.

71. Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot,pagkat aking naunawang mahalaga ang iyong utos.

72. Higit pa sa ginto't pilak nitong buong sanlibutan,ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan.(Yod)

73. Nilikha mo ako, O Yahweh, ako'y iyong iningatan;bigyan ako ng unawa upang batas mo'y malaman.

74. Ang sa iyo'y natatakot, kapag ako ay nakita,matutuwa sa lingkod mong sa iyo ay umaasa.

75. Nababatid ko, O Yahweh, matuwid ang iyong batas,kahit ako'y pagdusahin, nananatili kang tapat.

76. Aliwin mo sana ako niyang pag-ibig mong lubos,katulad ng binitiwang pangako sa iyong lingkod.

77. Sa akin ay mahabag ka, at ako ay mabubuhay,ang lubos kong kasiyaha'y nasa iyong kautusan.

78. Ang hambog na naninira sa lingkod mo ay hiyain,sa aral mo ako nama'y magbubulay na taimtim.

79. Sa akin ay magsilapit ang sa iyo ay may takot,maging yaong mga tao na alam ang iyong utos.