Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Awit 119:6-18 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

6. Kahihiyan ay hindi ko matitikman kailanpaman,kung ako ay susunod nang tapat sa iyong kautusan.

7. Ang matuwid mong tuntunin habang aking tinatarok,buong pusong magpupuri, pupurihin kitang lubos.

8. Ang lahat ng iyong utos ay sisikapin kong sundin,huwag mo akong iiwanan, huwag mo akong lilisanin.(Bet)

9. Paano mapapanatiling malinis ang pamumuhay ng sinumang tao, sa kanilang kabataan?Sa pamamagitan ng pagsunod sa banal mong kautusan.

10. Buong puso ang hangad kong sambahin ka't paglingkuran,huwag mo akong hahayaang sa utos mo ay sumuway.

11. Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan,upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman.

12. Pupurihin kita, Yahweh, ika'y aking pupurihin;ang lahat ng tuntunin mo ay ituro po sa akin.

13. Ang lahat mong mga utos na sa aki'y ibinigay,palagi kong babanggitin, malakas kong isisigaw.

14. Nagagalak na susundin ko ang iyong kautusan,higit pa sa kagalakang dulot nitong kayamanan.

15. Ako'y laging mag-aaral sa lahat ng tuntunin mo,nang aking maunawaan, pagbubulay-bulayan ko.

16. Sa bigay mong kautusa'y lubos akong nalulugod,iingatan sa puso ko upang iyo'y di malimot.(Gimmel)

17. Itong iyong abang lingkod, O Yahweh, nawa'y pagpalain,upang ako ay mabuhay at ang utos mo ang sundin.

18. Buksan mo ang paningin ko pagkat nananabik masdan,kabutihang idudulot sa akin ng iyong aral.