Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Awit 119:59-70 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

59. Tinanong ko ang sarili kung ano ang nararapat,ang tugon sa katanunga'y sundin ko ang iyong batas.

60. Kaya ako'y nagdumali, upang hindi na mabalam,sa hangad kong masunod na ang bigay mong kautusan.

61. Mga taong masasama kahit ako ay gapusin,ang bigay mong mga utos ay di pa rin lilimutin.

62. Gumigising akong lagi pagsapit ng hatinggabi,sa matuwid mong paghatol lagi kitang pinupuri.

63. Tapat akong kaibigan ng sa iyo'y naglilingkod,mga taong buong pusong sa utos mo'y sumusunod.

64. Ang dakilang pag-ibig mo'y laganap sa daigdigan,ituro sa akin, Yahweh, ang banal mong kautusan.(Tet)

65. Tinupad mo, O Yahweh, ang pangakong binitiwan,kay buti ng ginawa mo sa lingkod mong minamahal.

66. Ako'y bigyan mo ng dunong at ng tunay na kaalaman,yamang ako'y nagtiwala sa utos mong ibinigay.

67. Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot,nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod;

68. kay buti mo, O Yahweh! Kay ganda ng iyong loob;sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos.

69. Ang gawain nitong hambog sadyang ako ay siraan,ngunit buong puso ko ring sinusunod ang iyong aral.

70. Ang ganoong mga tao'y sadyang kapos ng unawa,ngunit sa pagsunod sa utos mo, ako'y natutuwa.