Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Awit 119:32-52 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

32. Ang lahat mong mga utos, ay malugod kong susundin,dahilan sa pang-unawang ibibigay mo sa akin.(He)

33. Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan,at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay.

34. Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod,buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos.

35. Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan,pagkat dito nakakamtan ang ligayang inaasam.

36. Itulot mong hangarin ko na sundin ang iyong utos,higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos.

37. Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay;at ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay.

38. Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod,ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot.

39. Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam,sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay!

40. Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin,pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain.(Vav)

41. Sa akin ay ipadama ang dakilang pag-ibig mo,ayon sa pangako, Yahweh, iligtas mo ako;

42. upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko,yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo.

43. Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan,pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan.

44. Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.

45. Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya,yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa.

46. At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin,hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin.

47. Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis,di masukat ang galak ko, pagkat aking iniibig.

48. Mahal ko ang iyong utos, ito'y aking ginagalang,sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay.(Zayin)

49. Ang pangako sa lingkod mo, sana'y iyong gunitain,pag-asa ang idinulot ng pangako mo sa akin.

50. Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw,pagkat buhay ang natamo sa pangako mo sa akin.

51. Labis akong hinahamak nitong mga taong hambog,ngunit di ko sinusuway ang bigay mong mga utos.

52. Bumabalik sa gunita ang payo mo noong araw,ito, Yahweh, sa lingkod mo ang dulot ay kaaliwan.