Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Awit 119:154-171 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

154. Ako'y iyong ipagtanggol at ako ay tubusin,dahil iyan ang pangakong binitiwan mo sa akin.

155. Iyang mga masasama'y tiyak na di maliligtas,dahilan sa kautusang hindi nila ginaganap.

156. Sa iyong habag, O Yahweh, ay wala nang makapantay,kaya ako ay iligtas, ayon sa iyong kapasyahan.

157. Kay rami ng kaaway ko, at mga mapang-alipin,ngunit ang iyong kautusan ay patuloy kong susundin.

158. Nagdaramdam akong labis kapag aking namamasdan,yaong mga taong taksil na laban sa kautusan.

159. Nalalaman mo, O Yahweh, mahal ko ang iyong utos,iligtas mo ako ayon sa pag-ibig mong taos.

160. Ang buod ng kautusa'y batay sa katotohanan,ang lahat ng tuntunin mo'y pawang walang katapusan.(Shin)

161. Mga taong namumuno na kulang sa katarungan,usigin man nila ako, susundin ko'y iyong aral.

162. Dahilan sa pangako mo, nagagalak yaring buhay,katulad ko ay taong nakatuklas noong yaman.

163. Sa anumang di totoo muhi ako't nasusuklam,ang tunay kong iniibig ay ang iyong kautusan.

164. Araw-araw, pitong beses akong nagpapasalamat,sa lahat ng kahatulang matuwid mong iginawad.

165. Ang magmahal sa utos mo'y mapayapa yaong buhay,matatag ang taong ito at hindi na mabubuwal.

166. Hinihintay kita, O Yahweh, upang ako ay iligtas,ang lahat ng iyong utos ay akin ngang tinutupad.

167. Tinutupad ko ang utos at lahat mong mga aral,buong pusong iniibig ang buo mong kautusan.

168. Sinusunod ko ang iyong kautusa't mga aral,ang anumang gawain ko ay kita mo't namamasdan.(Taw)

169. O Yahweh, tanggapin mo ang daing ko na tulungan,at ayon sa pangako mo, pang-unawa ako'y bigyan.

170. Hayaan ang dalangin ko ay dumating sa iyo, O Diyos,sang-ayon sa pangako mo, iligtas ang iyong lingkod.

171. Ako'y laging magpupuri, lagi kitang pupurihin,pagkat ako'y tinuruan ng aral mo at tuntunin.