Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Awit 119:139-155 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

139. Nag-aapoy ang galit ko, sa puso ko'y nag-aalab,pagkat yaong kaaway ko sa utos mo'y yumuyurak.

140. Ang pangako mo sa amin ay subok na't walang mintis,kaya naman ang lingkod mo'y labis itong iniibig.

141. Kung ako ma'y walang saysay at kanilang itinakwil,gayon pa man, ang utos mo'y hindi pa rin lilimutin.

142. Ang taglay mong katapatan, kailanma'y di kukupas,katuruan mo'y totoo at ito ay walang wakas.

143. Ang buhay ko'y nalilipos ng hirap at suliranin,ngunit ang iyong kautusan ang sa aki'y umaaliw.

144. Ang lahat ng tuntunin mo'y matuwid at walang hanggan,bigyan ako ng unawa at ako ay mabubuhay.(Qof)

145. Buong pusong tumatawag itong iyong abang lingkod;ako'y iyong dinggin, Yahweh, at susundin ko ang utos.

146. Tumatawag ako, Yahweh, sa iyo ay dumaraing,iligtas mo ako ngayon nang ang utos mo ay sundin.

147. Madilim pa, ang lingkod mo ay gising na't tumatawag,sa pangako mong iniwan, pag-asa ko'y nakalagak.

148. Hindi ako makatulog, magdamag na laging gising,at ang aking binubulay ay ang bigay mong aralin.

149. Ako'y dinggin mo, O Yahweh, ayon sa iyong pag-ibig,iligtas mo ang buhay ko yamang ikaw ay matuwid.

150. Palapit na nang palapit ang sa aki'y umuusig,mga taong walang galang sa utos mong sakdal tuwid.

151. Ngunit ikaw, O Yahweh, ay malapit sa piling ko,ang pangakong binitiwan mo sa akin ay totoo.

152. Iyang mga tuntunin mo'y matagal nang aking talos,ang utos na ginawa mo'y walang hanggang mga utos.(Resh)

153. Ang taglay kong paghihirap ay masdan mo at lunasan,pagkat aking sinusunod ang banal mong kautusan.

154. Ako'y iyong ipagtanggol at ako ay tubusin,dahil iyan ang pangakong binitiwan mo sa akin.

155. Iyang mga masasama'y tiyak na di maliligtas,dahilan sa kautusang hindi nila ginaganap.