Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Awit 119:101-111 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

101. Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama,ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita.

102. Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin,pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin.

103. O kay tamis na namnamin ang utos mong ibinigay,matamis pa kaysa pulot lasa nitong tinataglay.

104. Sa bigay mong mga utos, natamo ko'y karunungan,kaya ako'y namumuhi sa ugaling mahahalay.(Nun)

105. Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay,sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.

106. Taimtim ang pangako kong ang utos mo ay susundin,tutupdin ko ang tuntuning iniaral mo sa akin.

107. Labis-labis, O Yahweh, ang hirap kong tinataglay,sang-ayon sa pangako mo, pasiglahin yaring buhay.

108. Ang handog kong pasalamat, Yahweh, sana ay tanggapin,yaong mga tuntunin mo ay ituro mo sa akin.

109. Ako'y laging nakahandang magbuwis ng aking buhay;pagkat di ko malilimot yaong iyong kautusan.

110. Sa akin ay mayroong handang patibong ang masasama,ngunit ang iyong kautusan ay hindi ko sinisira.

111. Ang bigay mong mga utos, ang pamanang walang hanggan,sa puso ko'y palagi nang ang dulot ay kagalakan.