Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Awit 115:11-18 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

11. Kay Yahweh ay magtiwala, kayong may takot sa kanya,siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.

12. Ang Diyos ay magpapala, hindi tayo lilimutin,pagpapala'y matatamo nitong bayan ng Israel;pati mga pari'y may pagpapalang kakamtin.

13. Sa lahat ng mayro'ng takot kay Yahweh, lahat mapagpapala,kung magpala'y pantay-pantay, sa hamak man o dakila.

14. Sana kayo'y paramihin, kayo at ang inyong angkan,anak ninyo ay dumami, lumaki ang inyong bilang.

15. Pagpalain sana kayo, pagpalain kayong lubos,pagpalain ng lumikha ng langit at sansinukob.

16. Si Yahweh ang may-ari ng buong sangkalangitan,samantalang ang daigdig, sa tao niya ibinigay.

17. Di na siya mapupuri niyong mga taong patay,niyong mga nahihimlay sa malamig na libingan.

18. Tayo ngayong nabubuhay ang dapat magpasalamat,siya'y dapat na purihin, mula ngayon, hanggang wakas.Purihin si Yahweh!