Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Awit 106:5-21 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

5. upang makita ko ang pag-unlad nila na iyong hinirang,kasama ng iyong bansang nagagalak, ako'y magdiriwang.

6. Nagkasala kami, tulad ng ginawa ng aming magulang,ang aming ginawa'y tunay na di tama, pawang kasamaan.

7. Ang magulang namin nang nasa Egipto, di nagpahalaga sa kahanga-hangang mga ginawa mong kanilang nakita;ni hindi pinansin ang iyong pag-ibig na walang kagaya,bagkus ang ginawa sa Dagat na Pula'y nilabanan ka pa.

8. Sa kabila nito, gaya ng pangako, sila'y iniligtas,upang ipadama na ang Panginoo'y dakila't malakas.

9. Nang siya'y mag-utos, ang Dagat na Pula ay natuyong bigla,sila'y itinawid na ang dinaanan ay tuyo nang lupa.

10. Sila'y iniligtas sa pagpapahirap ng mga kaaway,iniligtas sila sa kapangyariha't lakas ng kalaban.

11. Yaong nagsihabol, pawang nangalunod sa gitna ng dagat,lahat sa kanila'y nilulon ng tubig, walang nakaligtas.

12. Nang ito'y nakita, niyong mga lingkod mo na bayang hinirang,sila'y naniwala sa iyong pangako at nagpuring tunay.

13. Parang ningas-kugon, ang lahat ng ito'y kaagad nilimot,sariling balangkas ang sinunod nila, hindi ang sa Diyos.

14. Habang nasa ilang, ang sariling hilig ang siyang sinunod,sa ilang na iyo'y kinalaban nila't sinubok ang Diyos.

15. Ang hiniling nila'y hindi itinanggi, kanilang nakamit,ngunit pagkatapos, sila'y dinapuan ng malubhang sakit.

16. Sila ay nagselos kay Moises habang nasa ilang,at kay Aaron, ang banal na lingkod na si Yahweh ang humirang.

17. Sa ginawang ito, nagalit ang Diyos, bumuka ang lupa,si Datan, Abiram, pati sambahaya'y natabunang bigla.

18. Sa kalagitnaan nila'y itong Diyos, lumikha ng sunog,at ang masasamang kasamahan nila ay kanyang tinupok.

19. Sa may Bundok ng Sinai, doon ay naghugis niyong gintong guya,matapos mahugis ang ginawa nila'y kanilang sinamba.

20. Ang dakilang Diyos ay ipinagpalit sa diyos na nilikha,sa diyos na baka na ang kinakain ay damong sariwa.

21. Kanilang nilimot ang Diyos na si Yahweh, ang Tagapagligtas,ang kanyang ginawa doon sa Egipto'y kagila-gilalas.