Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Awit 106:1-10 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Purihin si Yahweh!Pasalamatan siya sa kanyang kabutihan!Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.

2. Sinong mangangahas upang magpahayag na siya'y dakila?Sino ang pupuri at magpapahayag ng kanyang ginawa?

3. At dapat magalak ang sinumang tao na makatarungan,na gawang matuwid ang adhika sa buo niyang buhay.

4. Tulungan mo ako, kapag ang bayan mo'y iyong nagunita,sa pagliligtas mo, ang abâ mong lingkod isama mo sana;

5. upang makita ko ang pag-unlad nila na iyong hinirang,kasama ng iyong bansang nagagalak, ako'y magdiriwang.

6. Nagkasala kami, tulad ng ginawa ng aming magulang,ang aming ginawa'y tunay na di tama, pawang kasamaan.

7. Ang magulang namin nang nasa Egipto, di nagpahalaga sa kahanga-hangang mga ginawa mong kanilang nakita;ni hindi pinansin ang iyong pag-ibig na walang kagaya,bagkus ang ginawa sa Dagat na Pula'y nilabanan ka pa.

8. Sa kabila nito, gaya ng pangako, sila'y iniligtas,upang ipadama na ang Panginoo'y dakila't malakas.

9. Nang siya'y mag-utos, ang Dagat na Pula ay natuyong bigla,sila'y itinawid na ang dinaanan ay tuyo nang lupa.

10. Sila'y iniligtas sa pagpapahirap ng mga kaaway,iniligtas sila sa kapangyariha't lakas ng kalaban.