Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Awit 105:33-45 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

33. Ang mga ubasan, mga punongkahoy katulad ng igos,ay kanyang nilagas, mga bunga nito'y hindi na nahinog.

34. Isang utos lamang at biglang dumating ang maraming balang,langit ay nagdilim sa dinami-rami ay hindi mabilang.

35. Lahat ng gulayin at mga halaman sa buong lupain,sinira ng balang, mga bunga nito'y kanilang kinain.

36. Ang mga panganay sa buong Egipto ay kanyang pinatay,kaya sa Egipto, noon ay naubos ang mga panganay.

37. Pagkatapos nito, ang bayang Israel kanyang inilabas,malulusog sila't lumabas na dala'y mga ginto't pilak.

38. Pawang nangatuwa ang mga Egipcio nang sila'y umalis,pagkat natakot na sa mga pahirap nilang tinitiis.

39. Ang naging patnubay nila sa paglakad, kung araw ay ulap,at kung gabi naman ay haliging apoy na nagliliwanag.

40. Nang sila'y humingi niyong makakain, pugo ang nakita,at buhat sa langit, sila ay binusog ng maraming manna.

41. Sa bitak ng bato, bumukal ang tubig nang sila'y mauhaw,pinadaloy niyang katulad ay ilog sa gitna ng ilang.

42. Nagunita ng Diyos ang kanyang ginawang mahalagang tipan,ang pangako niya sa tapat na lingkod niyang si Abraham.

43. Kaya't ang bayan niya'y kanyang inilabas na lugod na lugod,nang kanyang ialis, umaawit sila nang buong alindog.

44. Ang mga hinirang ay binigyan niya ng lupang malawak,sila ang nag-ani sa lupaing iyong iba ang naghirap.

45. Ginawa niya ito upang ang tuntuni'y kanilang mahalin,yaong kautusan, ang utos ni Yahweh ay kanilang sundin.Purihin si Yahweh!