Magandang Balita Biblia Revisi

Mga Awit 105:29-42 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

29. Ang ilog at batis ay kanyang ginawang dugong dumadaloy,pawang nangamatay ang lahat ng isdang doo'y lumalangoy.

30. Napuno ng mga palakang kay rami ang buong lupain,maging mga silid ng mahal na hari ay may palaka rin.

31. Sa utos ng Diyos ay maraming niknik ang biglang sumipot,sa lahat ng dako kay rami ng langaw, gayon din ng lamok.

32. Sa halip na tubig, ay maraming yelo ang nagsilbing ulan,ang kulog at kidlat ay sala-salabat nilang nasaksihan.

33. Ang mga ubasan, mga punongkahoy katulad ng igos,ay kanyang nilagas, mga bunga nito'y hindi na nahinog.

34. Isang utos lamang at biglang dumating ang maraming balang,langit ay nagdilim sa dinami-rami ay hindi mabilang.

35. Lahat ng gulayin at mga halaman sa buong lupain,sinira ng balang, mga bunga nito'y kanilang kinain.

36. Ang mga panganay sa buong Egipto ay kanyang pinatay,kaya sa Egipto, noon ay naubos ang mga panganay.

37. Pagkatapos nito, ang bayang Israel kanyang inilabas,malulusog sila't lumabas na dala'y mga ginto't pilak.

38. Pawang nangatuwa ang mga Egipcio nang sila'y umalis,pagkat natakot na sa mga pahirap nilang tinitiis.

39. Ang naging patnubay nila sa paglakad, kung araw ay ulap,at kung gabi naman ay haliging apoy na nagliliwanag.

40. Nang sila'y humingi niyong makakain, pugo ang nakita,at buhat sa langit, sila ay binusog ng maraming manna.

41. Sa bitak ng bato, bumukal ang tubig nang sila'y mauhaw,pinadaloy niyang katulad ay ilog sa gitna ng ilang.

42. Nagunita ng Diyos ang kanyang ginawang mahalagang tipan,ang pangako niya sa tapat na lingkod niyang si Abraham.