1. O Yahweh, bakit masyado kang malayo?Sa panahon ng gulo, bakit ka nagtatago?
2. Inaapi ang mga dukha ng palalo't walang-awa;nawa'y sila ang mahuli sa patibong nilang gawa.
3. Ipinagyayabang ng masasama ang kanilang mga hangarin;si Yahweh ay nilalait at sinusumpa ng mga sakim.
4. Ang sabi ng masasamang tao, “Diyos ay walang pakialam,”sabi nila'y “walang Diyos,” dahil sa kanilang kahambugan.
5. Ang masasama'y palaging nagtatagumpay;ang hatol ng Diyos ay di nila nauunawaan,palagi nilang tinutuya ang kanilang mga kaaway.
6. Sinasabi nila sa sarili, “Hindi kami mabibigo;kaguluhan sa buhay, hindi namin matatamo.”
7. Namumutawi sa bibig nila'y sumpa, banta at pandaraya,dila nila'y laging handa sa marumi't masamang pananalita.
8. Sa mga nayon sila'y nag-aabang,upang paslangin ang walang kamalay-malay.
9. Para silang leon na nasa taguan,mga kawawang dukha'y inaabangan,hinuhuli ang mga ito sa kanilang bitag,at pagkatapos ay kinakaladkad.
10. Dahan-dahan silang gumagapang,upang biktimahin ang mga mahihina.
11. Ganito ang sabi ng masasama, “Ang Diyos ay walang pakialam!Mata niya'y nakapikit, di niya ako mapagmamasdan.”
12. Gumising ka, O Yahweh, at ang masasama'y parusahan,silang mga naghihirap ay huwag mong kalimutan!