Magandang Balita Biblia Revisi

Malakias 3:13-18 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

13. “Masasakit ang sinabi ninyo tungkol sa akin,” sabi ni Yahweh. “Ngunit ang tanong ninyo, ‘Ano ba ang sinabi namin laban sa inyo?’

14. Sabi ninyo, ‘Walang saysay ang maglingkod sa Diyos. Ano ba ang mapapala natin sa pagsunod sa kanyang mga utos o sa pagpapakita natin kay Yahweh na nagsisisi tayo sa nagawa nating kasalanan?

15. Hindi ba't kung sino ang palalo ay siya pang pinagpapala? Hindi lamang nananagana ang masasama kundi sinusubok pa nila ang Diyos sa paggawa nila ng kasamaan ngunit hindi sila pinaparusahan.’”

16. Pagkatapos, nag-usap-usap ang mga taong may paggalang kay Yahweh. Pinakinggan niyang mabuti ang kanilang usapan, kaya ipinatala niya sa isang aklat ang mga pangalan ng mga gumagalang sa kanya.

17. “Magiging akin sila,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Sa araw na ako'y kumilos, itatangi ko sila bilang sariling akin. Ililigtas ko sila, tulad ng pagliligtas ng isang ama sa anak na naglilingkod sa kanya.

18. Muli ninyong makikita ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama, ng taong naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kanya.”