Magandang Balita Biblia Revisi

Malakias 2:1-6 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Sinabi rin ni Yahweh sa mga pari:

2. “Kung hindi ninyo ito papakinggan at isasapuso bilang pagpaparangal sa aking pangalan, susumpain ko kayo at ang mga pagpapalang tinatanggap ninyo bilang mga pari. Sa katunayan, sinumpa ko na ang mga iyon, sapagkat hindi ninyo isinasapuso ang aking utos.

3. Paparusahan ko ang inyong mga anak at ipapahid ko sa inyong mukha ang dumi ng mga hayop na inihahandog ninyo sa panahon ng mga kapistahan. Itatapon din kayo sa tambakan ng dumi.

4. Dahil dito'y malalaman ninyo na ibinigay ko sa inyo ang utos na ito, upang magpatuloy ang aking tipan kay Levi,” wika ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

5. “Sa tipang iyon, pinangakuan ko siya ng buhay at katiwasayan, at ipinagkaloob ko nga ito sa kanya, upang igalang niya ako. Iginalang naman niya ako at kinatakutan.

6. Itinuro niya ang tama at hindi ang mali. Namuhay siya ng matuwid at matapat sa akin at tinulungan ang maraming tao upang huwag nang gumawa ng kasamaan.