Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 9:6-21 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

6. Saan man sila mapunta, ipinapangaral nila ang Magandang Balita at pinapagaling nila ang mga maysakit.

7. Ang mga nangyayari ay nabalitaan ni Herodes na pinuno ng Galilea. Nabagabag siya sapagkat may nagsasabing muling nabuhay si Juan na Tagapagbautismo.

8. Sinasabi naman ng iba, “Nagpakita si Elias.” May nagsasabi pang, “Ang isa sa mga propeta noong unang panahon ay muling nabuhay.”

9. Ngunit sinabi ni Herodes, “Pinapugutan ko na si Juan. Sino kaya ang lalaking ito? Marami na akong nababalitaan tungkol sa kanya.” Kaya sinikap niyang makita si Jesus.

10. Pagbalik ng mga apostol, isinalaysay nila kay Jesus ang lahat ng kanilang ginawa. Pagkatapos, umalis si Jesus kasama ang mga alagad papunta sa bayan ng Bethsaida.

11. Sinundan siya ng mga tao nang malaman ito, at malugod naman silang tinanggap ni Jesus. Tinuruan niya ang mga tao tungkol sa paghahari ng Diyos at pinagaling niya ang mga may karamdaman.

12. Nang malapit nang lumubog ang araw, nilapitan siya ng Labindalawa at sinabi, “Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makahanap sila ng makakain at matutuluyan sa mga nayon sa paligid. Nasa ilang na lugar po tayo.”

13. Ngunit sinabi niya, “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.”Sumagot naman ang mga alagad, “Wala po tayong pagkain kundi lilimang tinapay at dadalawang isda. Bibili po ba kami ng pagkain para sa lahat ng taong ito?”

14. Halos limanlibo ang mga lalaking naroon.Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo ang mga tao nang lima-limampu.”

15. Pinaupo nga nila ang lahat.

16. Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda, tumingin sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at isda at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao.

17. Silang lahat ay nakakain at nabusog. Nang ipunin ng mga alagad ang lumabis, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing.

18. Isang araw, habang si Jesus ay nananalanging mag-isa, lumapit sa kanya ang mga alagad. Tinanong sila ni Jesus, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin? Sino raw ako?”

19. Sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman po ng iba, kayo si Elias; may nagsasabi namang muling nabuhay ang isa sa mga propeta noong unang panahon.”

20. “Kayo naman, ano ang sabi ninyo?” tanong niya sa kanila. “Kayo po ang Cristo na sinugo ng Diyos!” sagot ni Pedro.

21. Mahigpit na itinagubilin ni Jesus sa kanyang mga alagad na huwag nilang sasabihin ito kaninuman.