Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 9:36-49 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

36. Nang mawala ang tinig, nakita nilang nag-iisa na si Jesus. Hindi muna ipinamalita ng mga alagad ang kanilang nakita.

37. Kinabukasan, bumabâ sila mula sa bundok at si Jesus ay sinalubong ng napakaraming tao.

38. Mula sa karamihan ay may isang lalaking sumigaw, “Guro, pakitingnan nga po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki!

39. Sinasaniban po siya ng isang espiritu at bigla na lamang siyang nagsisisigaw at nangingisay hanggang sa bumula ang bibig. Lubha po siyang pinapahirapan at halos ayaw nang tigilan.

40. Nakiusap po ako sa inyong mga alagad na palayasin nila ang espiritu ngunit hindi nila ito mapalayas.”

41. Sumagot si Jesus, “Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan?” At sinabi niya sa lalaki, “Dalhin ninyo rito ang iyong anak.”

42. Nang papalapit na ang bata, pinangisay na naman ito ng demonyo at bumagsak sa lupa. Ngunit pinalayas ni Jesus ang masamang espiritu at pinagaling ang bata; pagkatapos ay ibinigay sa ama nito.

43. At namangha ang mga tao sa nakita nilang kapangyarihan ng Diyos.Hangang-hanga ang lahat ng mga tao sa ginawa ni Jesus, ngunit sinabi niya sa kanyang mga alagad,

44. “Pakinggan ninyo at tandaan itong sasabihin ko: ang Anak ng Tao ay pagtataksilan at mapapasailalim sa kapangyarihan ng mga tao.”

45. Ngunit hindi nila ito naunawaan sapagkat inilihim sa kanila ang kahulugan nito. Nag-aalangan naman silang magtanong kung anong ibig niyang sabihin.

46. At nagtalu-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila.

47. Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya.

48. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang ito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang mapagpakumbabá sa inyong lahat ay siyang magiging pinakadakila.”

49. Sinabi ni Juan, “Panginoon, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa inyong pangalan. Pinagbawalan po namin siya sapagkat hindi natin siya kasamahan.”