Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 8:36-45 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

36. Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita kung paanong gumaling ang dating sinasapian ng mga demonyo.

37. Kaya't nakiusap kay Jesus ang mga Geraseno na umalis na lamang siya sa kanilang lupain, sapagkat sila'y takot na takot. Kaya't sumakay siya sa bangka at umalis sa pook na iyon.

38. Nakiusap kay Jesus ang taong inalisan ng mga demonyo na siya'y isama nito.Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus,

39. “Umuwi ka na at ipamalita mo ang dakilang bagay na ginawa sa iyo ng Diyos.”Umuwi nga ang lalaki at ipinamalita sa buong bayan ang ginawa sa kanya ni Jesus.

40. Pagbalik ni Jesus, masaya siyang tinanggap ng mga tao sapagkat siya'y hinihintay nila.

41. Dumating noon ang isang lalaking nagngangalang Jairo, isang tagapamahala ng sinagoga. Nagpatirapa ito at nakiusap kay Jesus na sumama sa kanyang bahay,

42. sapagkat ang kaisa-isa niyang anak na babae na maglalabindalawang taóng gulang na ay naghihingalo.Habang naglalakad si Jesus papunta sa bahay ni Jairo, sinisiksik siya ng mga tao.

43. Kabilang sa mga ito ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo at hindi mapagaling ninuman. Naubos na ang kanyang kabuhayan dahil sa pagpapagamot.

44. Lumapit siya sa likuran ni Jesus at hinawakan ang laylayan ng damit nito. Noon di'y tumigil ang kanyang pagdurugo.

45. Nagtanong si Jesus, “Sino ang humawak sa damit ko?”Nang walang umamin, sinabi ni Pedro, “Panginoon, napapaligiran po kayo at sinisiksik ng mga tao!”