Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 8:12-27 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

12. Ang mga binhing nalaglag sa tabi ng daan ay ang mga taong nakikinig. Dumating ang diyablo at inalis nito ang Salita mula sa puso ng mga nakikinig upang hindi sila manalig at maligtas.

13. Ang mga nalaglag naman sa batuhan ay ang mga nakarinig ng Salita at tumanggap nito nang may kagalakan, ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang puso. Sandali lamang silang naniwala, kaya't dumating ang pagsubok, sila'y tumiwalag.

14. Ang mga nahasik naman sa may matitinik na damuhan ay ang mga nakinig sa salita ng Diyos, ngunit nang tumagal, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay at ng pagkahumaling sa kayamanan at kalayawan. Dahil dito, hindi nahihinog ang kanilang mga bunga.

15. Ang mga nahasik naman sa matabang lupa ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at nag-iingat nito sa kanilang pusong tapat at malinis, at sila'y namumunga dahil sa pagtitiyaga.”

16. “Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tinatakluban ng banga o kaya'y itinatago sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang mga pumapasok sa bahay.

17. Walang natatago na di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag.

18. “Kaya't pagbutihin ninyo ang inyong pakikinig, sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala ay aalisan pati na ang inaakala niyang nasa kanya.”

19. Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus, ngunit hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao.

20. Kaya't may nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid; nais nilang makipagkita sa inyo.”

21. Ngunit sinabi ni Jesus, “Ang mga nakikinig at tumutupad ng salita ng Diyos ang siya kong ina at mga kapatid.”

22. Isang araw, si Jesus kasama ang kanyang mga alagad ay sumakay sa isang bangka. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa ibayo.” At ganoon nga ang ginawa nila.

23. Nang sila ay naglalayag na, nakatulog si Jesus. Bumugso ang isang malakas na bagyo at ang bangka ay pinasok ng tubig, kaya't sila'y nanganganib na lumubog.

24. Nilapitan siya ng mga alagad at ginising. “Panginoon, lumulubog na po tayo!” sabi nila.Bumangon si Jesus at pinatigil ang hangin at ang malalakas na alon. Tumahimik naman ang mga ito at bumuti ang panahon.

25. Pagkatapos, sinabi niya, “Nasaan ang inyong pananampalataya?”Ngunit sila'y natakot at namangha. Sinabi nila sa isa't isa, “Sino kaya ito? Inuutusan niya pati ang hangin at ang tubig, at sinusunod naman siya ng mga ito!”

26. Dumaong sila sa lupain ng mga Geraseno, katapat ng Galilea sa kabilang ibayo ng lawa.

27. Pagbaba ni Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking tagaroon na sinasapian ng mga demonyo. Matagal na itong hindi nagsusuot ng damit, ni ayaw ring tumira sa bahay kundi sa mga kuwebang libingan ito namamalagi.