Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 7:7-26 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

7. ni hindi rin po ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Ngunit sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking alipin.

8. Ako po ay nasa ilalim ng mga nakakataas sa akin at may nasasakupan naman akong mga kawal. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon!’ pumupunta siya; at kapag sinabi ko naman po sa isa, ‘Halika!’ siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko po sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa niya iyon.”

9. Namangha si Jesus nang marinig ito, kaya't humarap siya sa napakaraming taong sumusunod sa kanya at sinabi, “Kahit na sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.”

10. Pagbalik nila sa bahay, naratnan ng mga isinugo na magaling na nga ang alipin.

11. Pagkatapos nito, nagpunta naman si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain. Sumama sa kanya ang mga alagad at ang napakaraming tao.

12. Nang malapit na siya sa pintuan ng bayan, nasalubong nila ang libing ng kaisa-isang anak na lalaki ng isang biyuda. Napakaraming nakikipaglibing.

13. Nahabag ang Panginoon nang kanyang makita ang ina ng namatay kaya't sinabi niya rito, “Huwag ka nang umiyak.”

14. Nilapitan niya at hinipo ang kinalalagyan ng bangkay at tumigil naman ang mga may pasan nito. Sinabi niya, “Binata, makinig ka sa akin, bumangon ka!”

15. Naupo ang binata at nagsalita; at siya'y ibinigay ni Jesus sa kanyang ina.

16. Natakot ang lahat at sila'y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Dumating sa kalagitnaan natin ang isang dakilang propeta! Dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan!”

17. At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa ginawa ni Jesus.

18. Ibinalita kay Juan ng kanyang mga alagad ang lahat ng mga pangyayaring ito. Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanila

19. at pinapunta sa Panginoon upang itanong kung siya na nga ang ipinangakong darating, o kung maghihintay pa sila ng iba.

20. Pagdating doo'y sinabi nila kay Jesus, “Pinapunta po kami dito ni Juan na Tagapagbautismo upang itanong kung kayo na nga ang darating, o maghihintay pa kami ng iba.”

21. Nang mga sandaling iyon, si Jesus ay nagpapagaling ng mga maysakit at mga may matinding karamdaman at mga sinasapian ng masasamang espiritu. Marami ding mga bulag ang pinagkalooban niya ng paningin.

22. Kaya't sinabi niya sa mga sugo ni Juan, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong nakita at narinig; nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita.

23. Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”

24. Habang papaalis ang mga sugo, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Bakit kayo pumunta sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita? Isang halamang tambo na iniuugoy ng hangin?

25. Ano nga ba ang inyong dinayo roon? Isang taong may mamahaling damit? Ang mga nagdaramit ng mamahalin at namumuhay sa karangyaan ay nasa palasyo ng mga hari.

26. Ano nga ang inyong dinayo? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta.