Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 7:30-37 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

30. Ngunit ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa kautusang Judio na ayaw magpabautismo ay tumanggi sa layunin ng Diyos para sa kanila.

31. Sinabi pa ni Jesus, “Kanino ko maihahambing ang mga tao ngayon? Ano ang nakakatulad nila?

32. Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa palengke at sumisigaw sa kanilang mga kalaro,‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw!Narinig ninyo kaming tumangis, ngunit hindi kayo nakiiyak!’

33. Sapagkat nang dumating si Juan na Tagapagbautismo, siya'y nag-aayuno at hindi umiinom ng alak; at ang sabi ninyo, ‘Sinasapian ng demonyo ang taong iyan!’

34. Nang dumating naman ang Anak ng Tao, siya'y kumakain at umiinom, ngunit sinasabi naman ninyo, ‘Tingnan ninyo ang taong iyan! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’

35. Ngunit ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng lahat ng taong namumuhay ayon doon.”

36. Minsan, si Jesus ay naanyayahang kumain sa bahay ng isang Pariseo. Pumunta naman siya at dumulog sa hapag.

37. Nang mabalitaang kumakain si Jesus sa bahay ng naturang Pariseo, isang babaing itinuturing na makasalanan sa bayang iyon ang nagpunta roon na may dalang pabangong nasa sisidlang alabastro.