Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 7:15-30 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

15. Naupo ang binata at nagsalita; at siya'y ibinigay ni Jesus sa kanyang ina.

16. Natakot ang lahat at sila'y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Dumating sa kalagitnaan natin ang isang dakilang propeta! Dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan!”

17. At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa ginawa ni Jesus.

18. Ibinalita kay Juan ng kanyang mga alagad ang lahat ng mga pangyayaring ito. Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanila

19. at pinapunta sa Panginoon upang itanong kung siya na nga ang ipinangakong darating, o kung maghihintay pa sila ng iba.

20. Pagdating doo'y sinabi nila kay Jesus, “Pinapunta po kami dito ni Juan na Tagapagbautismo upang itanong kung kayo na nga ang darating, o maghihintay pa kami ng iba.”

21. Nang mga sandaling iyon, si Jesus ay nagpapagaling ng mga maysakit at mga may matinding karamdaman at mga sinasapian ng masasamang espiritu. Marami ding mga bulag ang pinagkalooban niya ng paningin.

22. Kaya't sinabi niya sa mga sugo ni Juan, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong nakita at narinig; nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita.

23. Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”

24. Habang papaalis ang mga sugo, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Bakit kayo pumunta sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita? Isang halamang tambo na iniuugoy ng hangin?

25. Ano nga ba ang inyong dinayo roon? Isang taong may mamahaling damit? Ang mga nagdaramit ng mamahalin at namumuhay sa karangyaan ay nasa palasyo ng mga hari.

26. Ano nga ang inyong dinayo? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta.

27. Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng kasulatan:‘Narito, ipinapadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo,upang ihanda ang iyong daraanan.’

28. Sinasabi ko sa inyo, wala pang isinilang na mas dakila kaysa kanya. Ngunit mas dakila kay Juan ang pinakamababa sa mga pinaghaharian ng Diyos.”

29. Ang lahat ng mga taong nakarinig sa kanya, pati na ang mga maniningil ng buwis ay nagpuri sa Diyos. Ang mga ito'y binautismuhan ni Juan.

30. Ngunit ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa kautusang Judio na ayaw magpabautismo ay tumanggi sa layunin ng Diyos para sa kanila.