Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 6:4-20 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

4. Di ba't pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog, na tanging mga pari lamang ang may karapatang kumain? Binigyan pa niya ang kanyang mga kasama.”

5. At sinabi pa ni Jesus, “Ang Anak ng Tao ay siyang Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”

6. Isang Araw ng Pamamahinga rin noon nang pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Doon ay may isang lalaking paralisado ang kanang kamay.

7. Sa hangad ng mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo na magkaroon ng maipaparatang kay Jesus, binantayan nila si Jesus upang tingnan kung siya'y magpapagaling ng maysakit sa Araw ng Pamamahinga.

8. Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito sa unahan.” Lumapit ang lalaki at tumayo nga roon.

9. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo, “Tatanungin ko kayo. Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?”

10. Tiningnan niyang isa-isa ang mga taong nakapaligid at pagkatapos ay sinabi sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling.

11. Nagngitngit naman sa galit ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, at pinag-usapan nila kung ano ang dapat nilang gawin kay Jesus.

12. Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa isang bundok at magdamag siyang nanalangin sa Diyos.

13. Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad, pumili siya sa kanila ng labindalawa, at sila'y tinawag niyang mga apostol.

14. Sila ay sina Simon, na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito, sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome,

15. Mateo, Tomas, Santiagong anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan,

16. si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging taksil.

17. Pagbaba ni Jesus kasama ang mga apostol, nadatnan nila sa isang patag na lugar ang marami sa kanyang mga alagad, kasama ang napakaraming taong buhat sa Judea, Jerusalem, at mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon.

18. Pumaroon sila upang makinig, at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling nga sila ni Jesus, pati na rin ang mga pinapahirapan ng masasamang espiritu.

19. Sinisikap ng lahat ng maysakit na makahawak man lamang sa kanya, sapagkat may kapangyarihan siyang nagpapagaling ng lahat ng karamdaman.

20. Tumingin si Jesus sa mga alagad, at sinabi,“Mapalad kayong mga mahihirap,sapagkat kayo'y paghaharian ng Diyos!