Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 6:32-37 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

32. “Kung ang nagmamahal lamang sa inyo ang inyong mamahalin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Ang mga makasalanan man ay marunong ding magmahal sa mga nagmamahal sa kanila.

33. Kung ang mga nagmamabuti lamang sa inyo ang inyong gagawan ng mabuti, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang masasamang tao ay gumagawa rin niyan!

34. At kung ang makakabayad lamang ang inyong pauutangin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang masasamang tao ay nagpapautang din sa kapwa nila masama, sa pag-asang sila'y mababayaran.

35. Sa halip, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti. Magpahiram kayo na hindi umaasa ng anumang kabayaran. Sa gayon, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo'y magiging mga anak ng Kataas-taasang Diyos. Sapagkat siya'y mabuti kahit sa masasama at sa mga hindi marunong tumanaw ng utang na loob.

36. Maging mahabagin kayo tulad ng inyong Ama.”

37. “Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag kayong magparusa at hindi kayo paparusahan ng Diyos. Patawarin ninyo ang inyong kapwa at kayo'y patatawarin din ng Diyos.