Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 6:17-32 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

17. Pagbaba ni Jesus kasama ang mga apostol, nadatnan nila sa isang patag na lugar ang marami sa kanyang mga alagad, kasama ang napakaraming taong buhat sa Judea, Jerusalem, at mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon.

18. Pumaroon sila upang makinig, at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling nga sila ni Jesus, pati na rin ang mga pinapahirapan ng masasamang espiritu.

19. Sinisikap ng lahat ng maysakit na makahawak man lamang sa kanya, sapagkat may kapangyarihan siyang nagpapagaling ng lahat ng karamdaman.

20. Tumingin si Jesus sa mga alagad, at sinabi,“Mapalad kayong mga mahihirap,sapagkat kayo'y paghaharian ng Diyos!

21. “Mapalad kayong mga nagugutom ngayon,sapagkat kayo'y bubusugin ng Diyos!“Mapalad kayong mga tumatangis ngayon,sapagkat kayo'y bibigyang kagalakan!

22. “Mapalad kayo kung dahil sa inyong pagsunod sa Anak ng Tao ay kinapopootan kayo, ipinagtatabuyan at nilalait ng mga tao, at pinagbibintangang kayo ay masama.

23. Magalak kayo at tumalon sa tuwa kung gayon ang mangyari sa inyo, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.

24. “Ngunit kahabag-habag kayong mga mayayaman ngayon,sapagkat natamasa na ninyo ang kaginhawahan.

25. “Kahabag-habag kayong mga busog ngayon,sapagkat kayo'y magugutom!“Kahabag-habag kayong mga tumatawa ngayon,sapagkat kayo'y magdadalamhati at magsisitangis!

26. “Kahabag-habag kayo, kung kayo'y pinupuri ng lahat ng tao, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga huwad na propeta.”

27. “Subalit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig sa akin: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo.

28. Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo at ipanalangin ang mga nang-aapi sa inyo.

29. Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inagaw ang iyong balabal, huwag mong ipagkait ang iyong damit.

30. Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon.

31. Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo.

32. “Kung ang nagmamahal lamang sa inyo ang inyong mamahalin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Ang mga makasalanan man ay marunong ding magmahal sa mga nagmamahal sa kanila.