Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 6:1-10 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Isang Araw ng Pamamahinga, nagdaraan sina Jesus sa isang triguhan. Ang kanyang mga alagad ay pumitas ng mga uhay ng trigo at kanila itong kinain matapos kuskusin sa kanilang mga kamay.

2. “Bakit kayo gumagawa ng bawal sa Kautusan sa Araw ng Pamamahinga?” tanong ng ilang Pariseo.

3. Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang minsang magutom sila ng kanyang mga kasama?

4. Di ba't pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog, na tanging mga pari lamang ang may karapatang kumain? Binigyan pa niya ang kanyang mga kasama.”

5. At sinabi pa ni Jesus, “Ang Anak ng Tao ay siyang Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”

6. Isang Araw ng Pamamahinga rin noon nang pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Doon ay may isang lalaking paralisado ang kanang kamay.

7. Sa hangad ng mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo na magkaroon ng maipaparatang kay Jesus, binantayan nila si Jesus upang tingnan kung siya'y magpapagaling ng maysakit sa Araw ng Pamamahinga.

8. Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito sa unahan.” Lumapit ang lalaki at tumayo nga roon.

9. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo, “Tatanungin ko kayo. Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?”

10. Tiningnan niyang isa-isa ang mga taong nakapaligid at pagkatapos ay sinabi sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling.