Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 5:3-10 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

3. Sumakay siya sa isa sa mga bangka at hiniling kay Simon, na may-ari ng bangka, na ilayo ito nang kaunti. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.

4. Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.”

5. Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod ngunit wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.”

6. Ganoon nga ang ginawa nila, at nakahuli sila ng maraming isda, kaya't halos mapunit ang kanilang mga lambat.

7. Kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka upang magpatulong. Lumapit naman ang mga ito at napuno nila ang dalawang bangka, anupa't halos lumubog ang mga ito.

8. Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya'y lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi, “Layuan po ninyo ako, Panginoon, sapagkat ako'y isang makasalanan.”

9. Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli,

10. gayundin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo at mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag ka nang matakot. Mula ngayo'y mga tao na, sa halip na mga isda, ang iyong huhulihin.”