Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 5:17-37 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

17. Minsan, habang si Jesus ay nagtuturo, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo sa di-kalayuan. Sila'y galing sa lahat ng bayan ng Galilea at Judea, at sa Jerusalem. Nasa kanya ang kapangyarihan ng Panginoon upang siya'y magpagaling ng mga maysakit.

18. Dumating ang ilang lalaking may dalang isang paralitiko na nakaratay sa higaan. Nagpipilit silang makapasok sa bahay upang mailagay ang maysakit sa harapan ni Jesus.

19. Wala silang madaanan dahil sa dami ng tao, kaya't umakyat sila sa bubungan, binakbak ito at ibinabâ sa harapan ni Jesus ang paralitikong nasa higaan.

20. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Kaibigan, pinapatawad ka na sa iyong mga kasalanan.”

21. Pagkarinig nito'y nag-usap-usap ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Sino itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos? Hindi ba't Diyos lamang ang makakapagpatawad ng mga kasalanan?”

22. Palibhasa'y alam ni Jesus ang kanilang pag-uusap, sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan?

23. Alin ba ang mas madaling sabihin, ‘Pinapatawad ka na sa iyong mga kasalanan,’ o ‘Tumayo ka at lumakad’?

24. Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa…” sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!”

25. Agad namang tumayo ang lalaki, at sa harap ng lahat ay binuhat niya ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Diyos.

26. Nanggilalas ang mga naroroon at nagpuri sila sa Diyos. Sila'y namangha at nagsabi, “Kahanga-hanga ang mga bagay na nasaksihan natin ngayon!”

27. Pagkatapos nito'y lumabas si Jesus at nakita niya si Levi, isang maniningil ng buwis, na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.”

28. Tumayo nga si Levi, iniwan ang lahat, at sumunod at naglingkod kay Jesus.

29. Si Jesus ay hinandugan ni Levi ng isang malaking handaan sa kanyang bahay. Kasalo niya roon ang maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao.

30. Kaya't nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga kasamahan nilang tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila sa mga alagad ni Jesus, “Bakit kayo kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?”

31. Sinagot sila ni Jesus, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit.

32. Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan upang sila'y magsisi.”

33. May ilan namang nagsabi kay Jesus ng ganito: “Ang mga alagad ni Juan ay malimit mag-ayuno at manalangin, gayundin ang mga alagad ng mga Pariseo. Bakit ang mga alagad mo'y patuloy sa pagkain at pag-inom?”

34. Sumagot si Jesus, “Dapat bang mag-ayuno ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal?

35. Darating ang araw na kukunin na ang ikinasal, saka pa lamang sila mag-aayuno.”

36. Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinhaga, “Walang sumisira ng bagong damit upang itagpi sa luma. Kapag ganoon ang ginawa, masasayang ang bagong damit at ang tagping mula rito ay hindi naman babagay sa damit na luma.

37. Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ganoon ang ginawa, papuputukin ng bagong alak ang lumang sisidlan, matatapon ang alak at masisira ang sisidlan.