Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 4:31-42 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

31. Mula roon, si Jesus ay nagpunta sa Capernaum sa Galilea at nagturo sa mga tao nang Araw ng Pamamahinga.

32. Namangha sila sa kanyang pagtuturo sapagkat may kapangyarihan ang kanyang pananalita.

33. May isang lalaki noon sa sinagoga na sinasapian ng masamang espiritu. Sumigaw ito nang malakas,

34. “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na mula sa Diyos.”

35. Subalit inutusan siya ni Jesus, “Tumahimik ka, lumayas ka sa taong iyan!” At nang mailugmok ang lalaki sa kanilang kalagitnaan, umalis ang demonyo ng hindi siya sinasaktan.

36. Namangha ang lahat ng nakasaksi kaya't nasabi nila sa isa't isa, “Ano ito? Lubhang makapangyarihan ang kanyang salita! Nauutusan niyang lumayas ang masasamang espiritu, at sumusunod naman sila!”

37. At kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong lupaing iyon.

38. Si Jesus ay umalis sa sinagoga at nagpunta sa bahay ni Simon. Nagkataong ang biyenan ni Simon ay may mataas na lagnat kaya't nakiusap sila kay Jesus na ito'y pagalingin.

39. Tumayo si Jesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na mawala ang lagnat, at ito'y nawala nga. Kaagad namang tumayo ang babae at naglingkod sa kanila.

40. Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng maysakit, anuman ang karamdaman ng mga ito. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa bawat isa, at silang lahat ay gumaling.

41. Pinalayas din niya ang mga demonyo sa mga taong sinasapian ng mga ito. Lumabas silang sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit sinaway sila ni Jesus at hindi pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila na siya ang Cristo.

42. Nang mag-uumaga na, umalis si Jesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag muna siyang umalis.