Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 24:35-44 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

35. At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang paghati-hatiin nito ang tinapay.

36. Habang pinag-uusapan nila ito, tumayo si Jesus sa kalagitnaan nila na nagsasabi, “Sumainyo ang kapayapaan!”

37. Natigilan sila at natakot sapagkat ang akala nila'y multo ang kaharap nila.

38. Kaya't sinabi ni Jesus, “Bakit kayo natitigilan? Bakit kayo nag-aalinlangan?

39. Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa. Ako nga ito. Hawakan ninyo ako at pagmasdan. Ang multo ay walang laman at buto, ngunit ako'y mayroon, tulad ng nakikita ninyo.”

40. Habang sinasabi niya ito, ipinapakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa.

41. Parang hindi pa rin sila makapaniwala sa laki ng galak at pagkamangha, kaya't tinanong sila ni Jesus, “May pagkain ba kayo riyan?”

42. Siya'y binigyan nila ng isang hiwa ng isdang inihaw.

43. Kinuha niya ito at kinain sa harap nila.

44. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasa-kasama pa ninyo ako; dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises at sa aklat ng mga propeta, at sa aklat ng mga Awit.”