Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 24:20-30 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

20. Isinakdal siya ng aming mga punong pari at mga pinuno ng bayan upang mahatulang mamatay, at siya'y ipinako sa krus.

21. Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito.

22. Nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan

23. at hindi nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi'y nakakita raw sila ng isang pangitain, mga anghel na nagsabing si Jesus ay buháy.

24. Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at ganoon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Jesus.”

25. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi ba kayo makaunawa? Bakit hindi kayo makapaniwala sa lahat ng sinasabi ng mga propeta?

26. Hindi ba't kailangang ang Cristo ay magtiis ng lahat ng ito bago niya makamtan ang kanyang marangal na katayuan?”

27. At patuloy na ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta.

28. Malapit na sila sa nayong kanilang pupuntahan at si Jesus ay parang magpapatuloy pa sa paglakad,

29. ngunit siya'y pinigil nila. “Tumuloy ka muna rito sa amin. Malapit na ang gabi, dumidilim na,” sabi nila. Kaya't sumama nga siya sa kanila.

30. Nang siya'y kasalo na nila sa pagkain, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos; pagkatapos, pinagpira-piraso iyon at ibinigay sa kanila.