Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 24:11-26 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

11. Akala ng mga apostol ay kahibangan lamang ang kanilang sinasabi kaya ayaw nilang paniwalaan ang mga kababaihan.

12. Ngunit tumayo si Pedro at patakbong nagpunta sa libingan. Pumasok siya, at pagtingin sa loob ay wala siyang nakita kundi ang mga telang ipinambalot kay Jesus. Kaya't umuwi siyang nagtataka sa nangyari.

13. Nang araw ding iyon, may dalawang alagad na naglalakad papuntang Emaus, isang nayong may labing-isang kilometro ang layo mula sa Jerusalem.

14. Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari.

15. Habang sila'y nag-uusap, lumapit si Jesus at nakisabay sa kanila,

16. ngunit siya'y hindi nila nakilala na para bang natatakpan ang kanilang mga mata.

17. Tinanong sila ni Jesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?”Tumigil silang nalulumbay, at

18. sinabi ni Cleopas, “Ikaw lamang yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga pangyayaring katatapos lamang maganap doon.”

19. “Anong pangyayari?” tanong niya.Sumagot sila, “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa salita at gawa maging sa harap ng Diyos at ng mga tao.

20. Isinakdal siya ng aming mga punong pari at mga pinuno ng bayan upang mahatulang mamatay, at siya'y ipinako sa krus.

21. Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito.

22. Nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan

23. at hindi nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi'y nakakita raw sila ng isang pangitain, mga anghel na nagsabing si Jesus ay buháy.

24. Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at ganoon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Jesus.”

25. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi ba kayo makaunawa? Bakit hindi kayo makapaniwala sa lahat ng sinasabi ng mga propeta?

26. Hindi ba't kailangang ang Cristo ay magtiis ng lahat ng ito bago niya makamtan ang kanyang marangal na katayuan?”