Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 24:1-15 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Madilim-dilim pa nang unang araw ng sanlinggo, ang mga babae ay nagbalik sa libingan, dala ang mga pabangong inihanda nila.

2. Nang dumating sila doon, nakita nilang naigulong na ang batong nakatakip sa libingan.

3. Ngunit nang pumasok sila, wala roon ang bangkay ng Panginoong Jesus.

4. Natigilan sila at nagtaka kung ano ang nangyari. Biglang lumitaw sa tabi nila ang dalawang lalaking nakakasilaw ang damit.

5. Dahil sa matinding takot, sila'y nagpatirapa. Tinanong sila ng mga lalaki, “Bakit ninyo hinahanap ang buháy sa lugar ng mga patay?

6. Wala siya rito, siya'y muling nabuhay! Alalahanin ninyo ang sinabi niya sa inyo noong nasa Galilea pa siya,

7. ‘Ang Anak ng Tao ay kailangang ipagkanulo sa mga makasalanan at ipako sa krus, at sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.’”

8. Naalala nga ng mga babae ang mga sinabi ni Jesus noong una,

9. kaya't umuwi sila at isinalaysay nila sa labing-isa at sa iba pa nilang kasamahan ang buong pangyayari.

10. Ang mga babaing ito'y sina Maria Magdalena, Juana, at Maria na ina ni Santiago; sila at ang iba pang mga babaing kasama nila ang nagbalita sa mga apostol.

11. Akala ng mga apostol ay kahibangan lamang ang kanilang sinasabi kaya ayaw nilang paniwalaan ang mga kababaihan.

12. Ngunit tumayo si Pedro at patakbong nagpunta sa libingan. Pumasok siya, at pagtingin sa loob ay wala siyang nakita kundi ang mga telang ipinambalot kay Jesus. Kaya't umuwi siyang nagtataka sa nangyari.

13. Nang araw ding iyon, may dalawang alagad na naglalakad papuntang Emaus, isang nayong may labing-isang kilometro ang layo mula sa Jerusalem.

14. Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari.

15. Habang sila'y nag-uusap, lumapit si Jesus at nakisabay sa kanila,