Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 22:58-70 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

58. Pagkaraan ng ilang sandali, mayroon uling nakapansin sa kanya at siya'y tinanong, “Hindi ba't kasamahan ka rin nila?”Ngunit sumagot siya, “Nagkakamali kayo, Ginoo!”

59. Pagkalipas ng may isang oras, iginiit naman ng isa sa naroon, “Kasama nga ni Jesus ang taong ito, sapagkat isa rin siyang taga-Galilea.”

60. Ngunit sumagot si Pedro, “Ginoo, hindi ko nalalaman ang sinasabi ninyo!”Nagsasalita pa siya nang biglang may tumilaok na manok.

61. Lumingon ang Panginoon at tumingin kay Pedro, at naalala ni Pedro ang sinabi ng Panginoon, “Bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila.”

62. Lumabas si Pedro at umiyak nang buong pait.

63. Samantala, si Jesus ay kinukutya at binubugbog ng mga nagbabantay sa kanya.

64. Siya'y piniringan nila at tinatanong, “Hulaan mo nga kung sino ang sumuntok sa iyo!”

65. Marami pang panlalait ang ginawa nila sa kanya.

66. Kinaumagahan ay nagkatipon ang Sanedrin na binubuo ng mga pinuno ng bayan, mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Iniharap sa kanila si Jesus at siya'y kanilang tinanong,

67. “Sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo.”Sumagot si Jesus, “Sabihin ko man sa inyo ay hindi kayo maniniwala.

68. Kung tanungin ko naman kayo, hindi rin kayo sasagot.

69. Ngunit sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ang Anak ng Tao ay uupo sa kanang trono ng Makapangyarihang Diyos.”

70. “Nais mo bang sabihing ikaw ang Anak ng Diyos?” tanong ng lahat.“Kayo na rin ang nagsasabi,” tugon niya.