Magandang Balita Biblia Revisi

Lucas 22:42-54 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

42. Sabi niya, “Ama, kung maaari po ay ilayo mo sa akin ang kopang ito, ngunit huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo.” [

43. Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas ang loob niya.

44. Dala ng matinding hinagpis, siya'y nanalangin nang lalong taimtim, at pumatak sa lupa ang kanyang pawis na parang malalaking patak ng dugo.]

45. Pagkatapos manalangin, siya'y tumayo at lumapit sa kanyang mga alagad. Naratnan niyang natutulog ang mga ito dahil sa labis na kalungkutan.

46. “Bakit kayo natutulog?” tanong niya. “Bumangon kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso.”

47. Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang maraming taong pinangungunahan ni Judas, na kabilang sa Labindalawa. Nilapitan niya si Jesus upang halikan,

48. subalit tinanong siya ni Jesus, “Judas, ipagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?”

49. Nang makita ng mga alagad ang mangyayari ay sinabi nila, “Panginoon, gagamitin na ba namin ang aming tabak?”

50. Kaagad tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng pinakapunong pari at natagpas ang kanang tainga nito.

51. Sinabi ni Jesus, “Tama na iyan!” Hinipo niya ang tainga ng alipin at ang sugat ay kaagad ring naghilom.

52. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga punong pari, sa mga pinuno ng mga bantay sa Templo at sa pinuno ng bayan na nagparoon upang dakpin siya, “Ako ba'y tulisan, at naparito kayong may mga tabak at mga pamalo?

53. Araw-araw akong nagtuturo sa Templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit ngayon ay panahon na ninyo at ng kapangyarihan ng kadiliman.”

54. Dinakip nga nila si Jesus at dinala sa bahay ng pinakapunong pari ng mga Judio. Si Pedro nama'y sumunod sa kanila, ngunit malayo ang agwat.